Vanjun Villarubia
Kinakabahan baka sya ay madatnan,
Anong dapat gawin kung sya ay maabutan?
Sya ba ay aking babatiin,
O magkukunwaring hindi sya napansin?
Kung sya ay masilayan,
Hindi ko alam kung anong kahihinatnan.
Dapat ko na bang sabihin,
O patuloy na manalangin?
Kailangan bilisan ang bawat hakbang
Habang patungo sa simbahan,
Ngunit tadhana'y bumubulong sa aking isipan,
Sinasabi na ako'y lumingon sa dating tagpuan.
Ano itong biglang naramdaman ko?
Hindi mapigil ang pag-pintig ng aking pulso,
Na parang nag-aalab na ipo-ipo.
Sya ba iyong nakita ko?
Tadhana nga naman ay sadyang mapaglaro
Paglingon ko'y isang babae ang nakita ko.
Isang babae na nakatingin sa akin sa malayo,
Isang babae na naglalakad palayo.
Ang lahat ay biglang huminto,
Na tila ang mundo'y naglalaro.
Hindi mapigil ang aking puso,
Sya ba iyong nakita ko?
Lumingon sya at patuloy sa paghakbang
Na tila ba ako'y kanyang pinagmamasdan.
Ngunit bakit tila ako ay kanyang iniiwasan?
Sya ba iyong muli kong nasulyapan?
Dahan-dahan ako at sya sa paghakbang,
Papalayo sa kung saan sya ay aking nasilayan.
Nakalingon at nakatingin pa rin ang bawat isa,
Na halos hindi na magkakitaan pa.
Hanggang dumating ang aking kinakatakutan,
Na sa aking hakbang mawala sya ng tuluyan.
Oh, diyos ko wag mo sanang hayaan,
Ang pagkakataong hindi na sya masulyapan.
No comments:
Post a Comment